Pinuri ng Senate leadership at majority ang pag-apruba ng bicameral conference committee sa P6.793-trilyong pambansang badyet para sa 2026, na tinawag nilang pinaka-transparent sa mga nagdaang taon.
Ayon kay Sen. Loren Legarda, nasaksihan ng publiko ang buong proseso, mula committee briefings, plenary debates hanggang bicam kung saan lahat ay naka-livestream at may mga rekord na puwedeng suriin ng sinuman.
Natapos ang bicam talks kaninang alas-2:30 ng madaling-araw matapos ang apat na araw na pag-uusap para pag-isahin ang bersyon ng Senado at Kamara.
Binibigyang-diin ng Senado na wala umanong “midnight deals” o palihim na insertions, at lahat ng pagbabago ay tinalakay nang may malinaw na paper trail.
Pinakamalaking bahagi ng badyet ay napunta sa edukasyon na umabot sa P1.38 trilyon, o 20 porsiyento ng kabuuang badyet, habang pinrotektahan din ang pondo para sa kalusugan, pagkain at trabaho.
Sa DPWH, sinuri umano ang bawat proyekto, nagresulta sa pagtitipid na P20.7 bilyon, kung saan P16.5 bilyon ay inilipat sa PhilHealth at P4.25 bilyon sa disaster fund.
Giit ni Sen. Legarda, ang badyet na ginawa sa liwanag ng publiko ay mas matibay at mas mapagkakatiwalaan. | BChannel News