Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang patay sa loob ng isang bakanteng lote sa Barangay Lalaan 1st, Silang, Cavite, kahapon ng umaga, Enero a-4.
Bandang alas-9 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng isang jogger na agad tumawag sa 911 hotline, at naiulat ito sa pulisya dakong alas-12:30 ng tanghali.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng Silang Municipal Police Station, may bakas ng dugo sa ulo ang biktima, may nakatali umanong tela sa leeg, at nakagapos ng nylon rope ang kanyang mga paa. Tinatayang nasa edad 40 hanggang 55 ang biktima, nakasuot ng dark gray na t-shirt at light gray na shorts.
Agad rumesponde ang mga awtoridad at ipinroseso ang crime scene. Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa forensic unit para sa masusing pagsusuri at isinagawa ang request para sa autopsy upang matukoy ang sanhi ng pagkamatay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. | BChannel news