Umaasa si Education Secretary Sonny Angara sa isang mas maunlad na taon para sa sektor ng edukasyon matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 2026 General Appropriations Act na may kabuuang P6.79 trilyon.
Sa naturang budget, P1.015 trilyon ang napunta sa Department of Education—unang pagkakataon na naabot ng Pilipinas ang pamantayan ng UNESCO sa gastusin para sa edukasyon.
Ayon kay Angara, mas bibilis ang pagpapatupad ng mga programa, konstruksiyon ng silid-aralan, at digitalization sa mga paaralan.
Kabilang sa pondo ang mahigit P85 bilyon para sa classroom backlog, ₱19.5 bilyon para sa mga aklat at learning materials, at P10.6 bilyon para sa computerization at internet sa mga pampublikong paaralan.
Mayroon ding pondo para sa pagkuha ng libu-libong guro, school heads, at guidance counselors, pati pagsasanay ng mga guro.
Bukod dito, P25.6 bilyon ang inilaan para sa pinalawak na school-based feeding program na makikinabang ang mahigit 4.6 milyong mag-aaral sa buong bansa.