Arestado ng Batangas Police ang isang 31-anyos na lalaki kaugnay ng pananaga na naganap noong Enero 11.
Kinilala ng Batangas Police Provincial Office ang suspek na si “Tolome,” na naaresto sa Barangay Pangao, Ibaan, Batangas matapos ang isinagawang manhunt operation.
Ang biktima, na si “Selo,” residente rin ng nasabing barangay, ay kasalukuyang nagpapagamot matapos magtamo ng sugat sa leeg.
Ayon sa imbestigasyon, nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang suspek at biktima habang nag-iinuman sa kanilang barracks sa Barangay Baybayin, Rosario, Batangas bandang alas-3:30 ng hapon, na nauwi sa pananaga.
Agad na isinugod ang biktima sa Batangas Medical Center sa tulong ng mga opisyal ng barangay.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya habang nakapiit na ang suspek at haharap sa kaukulang kaso. | BChannel news