Isang make-up artist ang natagpuang patay sa baybayin ng Barangay Fabrica sa bayan ng Lobo, Batangas, bandang alas-10:30 gabi nitong ika-26 ng Enero.
Ayon sa Lobo Municipal Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula kay Barangay Captain Michael Dueñas matapos matagpuan ang isang walang-buhay na katawan sa dalampasigan.
Sa paunang imbestigasyon, mga batang naglalaro sa baybayin ang unang nakakita sa biktimang nakahandusay sa buhangin, may takip na jacket sa mukha, kaya agad nila itong ini-report sa barangay.
Nang suriin ang katawan, may mga gasgas sa iba’t ibang bahagi at matinding pinsala sa noo na hinihinalang dulot ng matigas na bagay. Isang malaking bato na may bahid ng dugo ang natagpuan malapit sa biktima.
Kinilala ang nasawi na si Aljohn, isang make-up artist at residente ng Barangay Olo-olo, Lobo, Batangas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, kabilang ang pagkuha ng pahayag ng mga posibleng saksi, pagsusuri ng CCTV, at tulong ng RFU4A para sa crime scene processing at autopsy, gayundin ang motio sa pagpaslang.
Samantala, nananawagan ng hustisya ang mga kaanak at kaibigan ng biktima sa naganap na karumal-dumal na krimen. | BChannel news