Dalawang kaso ng mapanganib na Nipah virus ang kinumpirma ng mga awtoridad sa India, ayon sa ulat.
Ang mga pasyente ay dalawang nurse mula sa isang pribadong ospital malapit sa Kolkata sa West Bengal, at isa sa kanila ay nasa kritikal na kondisyon.
Ayon sa World Health Organization, ang Nipah virus ay may mataas na fatality rate na maaaring umabot sa 40 hanggang 75 porsyento.
Nagpatupad na ng quarantine at mahigpit na surveillance ang mga health official. May 180 indibidwal ang na-test na at 20 ang itinuring na high-risk contacts, ngunit lahat ay negatibo at walang sintomas. Pinayuhan din ng India’s Ministry of Health ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng lokal na awtoridad.
Ang Nipah virus ay isang zoonotic disease na nagmumula sa paniki at maaari ring maipasa sa tao sa pamamagitan ng kontaminadong pagkain o direktang kontak.
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention, maaaring magdulot ito ng lagnat, ubo, hirap sa paghinga, at sa malalang kaso ay encephalitis o pamamaga ng utak. Wala pa ring lunas sa sakit at suportang gamutan lamang ang ibinibigay.
Samantala, ayon sa Department of Health Philippines, walang bagong kaso ng Henipavirus sa bansa mula noong 2014, ngunit patuloy ang paalala na manatiling handa at mag-ingat. | BChannel news