Dalawang convenience store sa Lipa City, Batangas noong gabi ng Pebrero a-1, ang pinasok ng mga kawatan kung saan tinangay ng mga armado at riding-in-tandem ang tinatayang P70k na halaga ng pera at personal na gamit.
Unang insidente ang naganap bandang alas-9:40 ng gabi sa isang Alfamart sa Barangay Inosluban.
Ayon sa imbestigasyon, nasa loob ng tindahan ang shift leader nang dumating ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklo. Agad umanong nagpunta ang mga suspek sa cashier’s area, nagdeklara ng holdap, at tinutukan ng baril ang biktima. Tinangay ng mga ito ang humigit-kumulang P20K piso bago tumakas patungo sa direksiyon ng Lipa City proper.
Makalipas ang halos tatlumpung minuto, bandang alas-10:03 ng gabi, isa pang Alfamart naman sa Barangay Banaybanay ang hinoldap. Habang nasa loob ng tindahan ang mga crew, dumating din ang dalawang armadong suspek sakay ng motorsiklo at muling nagdeklara ng holdap sa cashier’s area. Tinangay ng mga ito ang tinatayang P50K piso mula sa tindahan, pati ang wallet ng isa sa mga crew na naglalaman ng iba’t ibang ID at P1,700. Matapos ang insidente, tumakas ang mga suspek patungo sa direksiyon ng San Jose, Batangas.
Batay sa deskripsyon ng Police Regional Office 4A, pareho ang pagkakakilanlan ng mga suspek sa dalawang insidente. Ang driver ay nakasuot ng asul na jacket, maong pants at puting helmet, habang ang backrider ay may suot na itim at puting long-sleeve na damit, maong pants at itim na helmet. Pareho silang armado ng baril at sakay ng kulay asul na motorsiklo.
Agad namang nagsagawa ng dragnet operation ang Lipa City Police, kasabay ng pagre-review ng mga CCTV camera sa mga lugar na pinangyarihan ng krimen. Isinasagawa rin ang profiling ng mga empleyado ng mga tindahan at humingi na ng tulong ng Scene of the Crime Operatives para sa mas malalim na imbestigasyon. | BChannel News