Isang hindi pa nakikilalang babae ang natagpuang patay sa loob ng isang paupahang bahay sa Purok 7, Barangay Inosluban, Lipa City, Batangas, bandang alas-6 ng gabi nitong Pebrero a-2.
Ayon sa ulat ng Police Regioanl Office CALABARZON, ilang araw nang nakaaamoy ng mabahong amoy ang mga residente sa lugar.
Dahil hindi na nila matiis ang amoy, naghanap sila ng pinagmumulan nito. Isang residente, kasama ang ilan pang kapitbahay, ang nagtungo sa ikatlong unit na katabi ng kanyang inuupahang apartment, kung saan mas lalong lumalakas ang amoy.
Napansin ng residente na bukas ang bintana ng silid-tulugan ng nasabing unit. Nang sumilip siya sa loob, doon niya nakita ang isang babaeng nakadapa sa ibabaw ng kama, may mabahong amoy na at may pamumula at pagkakulay ube ng katawan. Ayon sa pulisya, namamaga na ang bangkay na indikasyon ng pagkabulok.
Agad na ipinaalam ng residente ang insidente sa caretaker ng paupahan na kalauna’y nag-report naman sa barangay, bago ito naiulat sa pulisya bandang alas-7:40 ng gabi.
Sa kasalukuyan, hindi pa nakikilala ang biktima at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon upang matukoy ang kanyang pagkakakilanlan at ang sanhi ng pagkamatay. Humingi na rin ng tulong ang pulisya sa Scene of the Crime Operatives para sa mas masusing pagsusuri sa lugar. | BChannel news