Arestado ang anim na lalaki matapos mahuling naglilipat ng diesel at gasolina mula sa isang oil tanker truck sa Barangay Puting Bato West, Calaca City, Batangas bandang alas-7 ng gabi noong Pebrero a-6.
Ayon sa Calaca City Police, aktong nahuli ang mga suspek habang sinisipsip ang krudo at inililipat ito sa mga lalagyan gamit ang metal na sisidlan at improvised na imbudo.
Sa beripikasyon ng pulisya, nabigo ang mga ito na magpakita ng anumang permit o dokumento na magpapatunay na awtorisado ang kanilang ginagawa. Lumabas din sa imbestigasyon na hindi ito bahagi ng lehitimong delivery ng langis.
Nasamsam sa operasyon ang oil tanker truck, isa pang sasakyan, at dose-dosenang lalagyan na may diesel at gasolina.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calaca Police ang mga suspek na sina Arjay, Jeremy, John, Jerick, Renato, at Alfredo habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila dahil sa paglabag sa Oil Pilferage Law.
Ayon kay PD PCOL Marlon Rufo, patunay umano ang operasyon sa pagiging alerto ng pulisya laban sa mga ilegal na gawain na banta sa kaligtasan ng publiko at ekonomiya ng lalawigan. | BChannel news