Sinuspinde ng Land Transportation Office ang bus driver na sangkot sa banggaan ng ilang sasakyan sa Taft Avenue, Maynila, na ikinasugat ng siyam na katao.
Sa viral video, makikitang bumangga ang bus sa limang motorsiklo, tatlong MPV at isang van.
Ayon sa LTO, pinatawan ng 90-araw na suspensyon ang driver habang inilagay sa alarm ang bus upang hindi muna makapagsagawa ng anumang transaksyon.
Sinisilip din ang kasong reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle laban sa driver.
Samantala, haharap din sa kasong administratibo ang may-ari ng bus dahil sa umano’y pagkuha ng pabaya o reckless na driver. Parehong ipinatawag ang driver at may-ari upang magpaliwanag sa LTO sa Lunes.
Iginiit ng ahensya na hindi nila papayagan ang mga iresponsableng driver na magdulot ng panganib sa kalsada.