Pinahintulutan na ng Department of Education o DepEd ang hanggang limang araw na wellness leave kada taon para sa mga teaching at non-teaching personnel bilang suporta sa kanilang mental health at pangkalahatang kalusugan.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, saklaw nito ang lahat ng empleyado—permanent man o contractual—mula central office hanggang sa mga paaralan at community learning centers.
Hiwalay ito sa vacation at sick leave at maaaring gamitin para sa mental health care, physical wellness activities, o simpleng pahinga.
Maaaring kunin ang leave nang hanggang tatlong magkasunod na araw o hiwa-hiwalay sa loob ng taon, basta’t may apruba at karaniwang mag-aapply limang araw bago ito gamitin. Hindi ito maaaring ipunin o ipalit sa cash.
Tiniyak din ng DepEd na mananatiling kumpidensyal ang anumang health information alinsunod sa Data Privacy Act. Ayon kay Angara, ang pag-aalaga sa mga guro at kawani ay pamumuhunan sa mas matatag na edukasyon para sa mga mag-aaral.