Ninakawan ang Saint John the Baptist Church sa Barangay 4, Lian Batangas alas-7:55 ng umaga kahapon, Pebrero 16.
Ayon sa Lian Municipal Police Station, nakatanggap ng tawag si PMAJ Jeffery Dallo mula sa hepe ng pulisya sa General Trias, Cavite na nakahuli umano sila ng mga suspek sa hiwalay na operasyon at narekober ang offering envelope na pag-aari ng simbahan.
Sa imbestigasyon at panayam kay Father Noel Salanguit, tinatayang aabot sa mahigit P300K ang natangay na offering money kasama ang iba’t ibang foreign currency, isang laptop, at 2 cellphone.
Nakatanggap ng impormasyon ang Gen. Trias Component City Police Station tungkol sa isang lalaking nagyayabang umano ng dalang malaking halaga ng pera sa loob ng isang beerhouse sa Barangay Manggahan.
Agad itong bineripika ng mga operatiba at nadatnan ang suspek na may dalang mga eco bag na naglalaman ng salapi, barya, laptop, mga cellphone at mahigit 100 donation envelopes ng St. John the Baptist Church sa Lian.
Tinangka pa umanong tumakas ng suspek ngunit nabigo.
Dahil dito, aaresto ng pulisya sa Gen. Trias, Cavite ang suspek na si Roland, isang 32-anyos na lalaki na tubong Gandara, Samar.
Sa imbestigasyon, inamin nitong galing sa isang simbahan sa Batangas ang mga nakuha at may kasama umano siyang alyas “Toto” na kasalukuyang pinaghahanap.
Nasa kustodiya na ng Lian Police ang suspek habang nagpapatuloy ang follow-up operation laban sa kanyang kasabwat. | BChannel news