Isinusulong ni House Majority Leader Sandro Marcos ang panukalang libreng kuryente para sa mga kabahayang mababa ang konsumo ng kuryente.
Nakapaloob ito sa House Bill 2700 o Free Electricity for Low-Consumption Households Act na layong magbigay ng direktang subsidiya mula sa pamahalaan at alisin ang 12 % value-added tax sa sakop na bahagi ng konsumo.
Sa ilalim ng panukala, kwalipikado ang residential consumer na may average na hindi hihigit sa 135 kilowatt hours ang konsumo kada buwan sa nakaraang tatlong buwan, o may bayaring hindi lalampas sa dalawang libong piso kada buwan, alinman ang mas mababa. Kailangan itong sertipikahan ng Energy Regulatory Commission at Department of Energy.
Kapag lumampas sa itinakdang threshold sa isang billing period, babayaran ng consumer ang buong bill sa buwang iyon nang walang subsidiya.
Gayunman, maaari pa rin itong maging kwalipikado sa mga susunod na buwan basta muling makasunod sa pamantayan.
Ayon kay Marcos, layunin ng panukala na gawing mas maayos at direkta ang pagbibigay ng subsidiya sa halip na umasa sa kasalukuyang sistema ng cross-subsidy kung saan ibang consumers ang sumasalo sa diskwento para sa lifeline at senior citizen rates.
Dagdag pa niya, mahalagang maitaguyod ang kuryente bilang pangunahing pangangailangan at matulungan ang mas maraming pamilyang mababa ang kita. | BChannel news