Iginiit ng prosekusyon ng International Criminal Court o ICC na sapat ang ebidensya upang kumpirmahin ang mga kasong isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at maituloy ang full trial.
Sa huling araw ng confirmation of charges hearing, sinabi ng senior trial lawyer na si Julian Nicholls na ang mga argumento ng kampo ng depensa ay mga usaping mas nararapat talakayin sa mismong paglilitis.
Iginiit din ng prosekusyon na may mga ebidensyang nagpapakita na ang terminong “neutralization” sa drug war ay maaaring nangangahulugang pagpatay.
Samantala, iginiit naman ng depensa na walang matibay na ebidensya o tinatawag na “smoking gun” na magpapatunay na direktang may pananagutan si Duterte.
Ang pagdinig ay hindi pa ang mismong paglilitis kundi para lamang alamin kung may sapat na basehan ang mga kaso. Inaasahang maglalabas ng desisyon ang ICC Pre-Trial Chamber sa loob ng 60 araw kung itutuloy o ibabasura ang mga kaso.