Iniimbestigahan ngayon ng pulisya ang hinihinalang hazing incident matapos ideklarang patay ang isang hindi pa nakikilalang lalaki na dinala sa ospital sa General Trias Medical Center sa Cavite.
Batay sa ulat ng General Trias City Police Station, bandang alas-2:11 ng hapon nitong March 1 nang dumating sa ospital ang isang kotse na may plakang NAV 9489 na may sakay na lalaking walang malay.
Dalawang hindi pa nakikilalang lalaki ang bumaba sa sasakyan at humingi ng tulong sa hospital staff upang maibaba ang biktima. Ayon sa kanila, nasangkot umano ito sa hit-and-run incident.
Ngunit makalipas lamang ang ilang minuto matapos maipasok sa ospital ang lalaki, agad ding umalis ang dalawang lalaki kasama ang driver ng sasakyan nang hindi nagbibigay ng karagdagang detalye o pagkakakilanlan.
Sa isinagawang pagsusuri, napag-alamang may maraming pasa ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan, partikular sa mga hita, na nagdulot ng hinalang maaaring biktima ito ng hazing.
Sa kabila ng pagsisikap ng medical team, hindi na nakarekober ang biktima at bandang alas-3:35 ng hapon ay idineklara itong dead on arrival.
Tinatayang nasa edad na 18-24 anyos ang biktima, may taas na 5’7, nakasuot ng puting t-shirt at grey na jogger pants.
Kasalukuyang nagsasagawa ng backtracking at forward tracking ang pulisya upang matukoy ang pinanggalingan ng sasakyan at ang pagkakakilanlan ng tatlong lalaking sangkot sa insidente.
Patuloy rin ang dragnet operations ng mga awtoridad sa mga kalapit na lungsod at munisipalidad upang matunton at maaresto ang mga suspek.| BChannel News