Nasawi ang isang lalaki matapos saksakin ng kanyang kapitbahay sa One Cainta Village sa Nursery Road, Brgy. San Roque, Cainta, Rizal nitong March 2.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-2:40 ng hapon nang mangyari ang insidente habang nakaupo umano at nangangalakal ang biktima sa Building 2 ng nasabing village.
Doon umano siya nilapitan ng suspek na nasa impluwensya ng alak, at nauwi sa mainitang pagtatalo ang kanilang pag-uusap.
Sa gitna ng komprontasyon, bigla umanong bumunot ng kutsilyo ang suspek at dalawang beses na sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dinala ang biktima sa Hospital ngunit idineklarang dead on arrival.
Samantala, mabilis na naaresto ang suspek ng mga barangay personnel at pulis, at narekober mula sa kanya ang kutsilyong ginamit sa pananaksak.
Isinailalim muna sa medical examination ang suspek bago dinala sa Cainta Municipal Police Station kung saan siya ngayon ay nakakulong habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanya habang inaalam na rin ang puno’t dulo ng krimen. | BChannel News