Patay ang isang fish vendor matapos pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek sa Sitio Tanag Talipapa, Barangay San Isidro sa Rodriguez, Rizal, madaling araw ng March 2.
Kinilala ang biktima na si “Dodong,” 45 anyos, residente ng Southville 8B sa naturang barangay.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Rodriguez Municipal Police Station, kagagaling lamang umano ng biktima at ng kanyang live-in partner sa Novaliches Fish Port para bumili ng paninda nang mangyari ang insidente.
Pagdating sa lugar at pagbaba ng biktima mula sa kanilang sasakyan para ibaba ang mga isda, bigla na lamang umanong lumitaw ang suspek at binaril ito sa malapitan.
Ayon sa saksi, dalawang putok ng baril ang kanyang narinig bago mabilis na tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo kasama ang isang hindi pa nakikilalang kasabwat.
Hindi umano malinaw na nakita ng saksi ang mukha ng suspek dahil nakasuot ito ng hooded jacket. Inilarawan naman ang suspek na nasa humigit-kumulang 5’4 ang taas at nakasuot ng pulang sando, light gray na jacket at dirty white na shorts.
Agad na isinugod ang biktima sa Hospital ngunit idineklarang dead on arrival ng attending physician bandang alas-4:35 ng madaling araw.
Patuloy ngayon ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan at motibo ng suspek sa krimen. | BChannel news