Patay ang isang 47-anyos na construction worker matapos saksakin sa Antipolo City, Rizal gabi ng March 22.
Kinilala ang biktima na si Reynaldo, na nagtamo ng maraming saksak sa katawan matapos umano ang mainitang pagtatalo nila ng suspek kaugnay ng nawawalang pera.
Batay sa imbestigasyon ng Antipolo City Component Police Station, nangyari ang insidente bandang alas-8:30 ng gabi sa isang construction site sa Lanzones Street, Barangay Dela Paz. Natagpuan ang biktima na duguan at nasa kritikal na kondisyon malapit sa gate ng lugar.
Agad siyang isinugod sa Hospital ngunit idineklara ring dead on arrival bandang alas-9:37 ng gabi.
Ayon sa report, ang suspek na kinilalang si “Buda,” isang construction worker din, ay armado ng patalim nang isagawa ang pananaksak.
Sa ngayon, patuloy ang manhunt operation ng pulisya laban sa suspek na nananatiling at large.
Samantala, iniimbestigahan pa ang buong detalye ng insidente upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng biktima.