Naglabas ng P20 bilyong emergency fund ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para tiyakin na may sapat na suplay ng langis ang bansa sa gitna ng tumitinding krisis sa Middle East.
Ayon sa Department of Budget and Management, ang pondo ay manggagaling sa Malampaya Gas Fund at gagamitin para sa Emergency Energy Security Program ng gobyerno.
Layunin nitong palakasin ang imbentaryo ng diesel, gasolina at LPG, para maiwasan ang kakulangan sa suplay at mapanatiling stable ang presyo ng langis sa merkado.
Pinangangasiwaan na ito ng Philippine National Oil Company–Exploration Corporation, na agad nang nagsimula ng procurement para madagdagan ang fuel supply sa bansa.
Kasunod ito ng paglagda ng Pangulo sa Executive Order 110 na nagdedeklara ng national energy emergency sa loob ng isang taon.
Giit ng gobyerno, mahalaga ang hakbang na ito para masigurong tuloy-tuloy ang operasyon ng transportasyon, agrikultura, at iba pang essential services, habang pinipigilan ang epekto ng pabago-bagong presyo ng langis sa global market.