Umaabot na sa 425 gas stations sa buong bansa ang pansamantalang nagsara dahil sa kakulangan ng suplay ng langis, ayon sa monitoring ng Philippine National Police ngayong umaga ng March 27.
Mula ito sa kabuuang mahigit 14,000 gas stations nationwide.
Pinakamaraming naapektuhan ang Cordillera Administrative Region na may 79 na saradong gas stations, sinundan ng Central Luzon, Eastern Visayas, at Cagayan Valley. Apektado rin ang ilang bahagi ng Calabarzon, Bicol, at iba pang rehiyon, habang apat na gas stations naman ang pansamantalang nagsara sa National Capital Region.
Ayon sa PNP, pangunahing dahilan ng pagsasara ang pagkaubos ng fuel stock.
Bagamat may 28 gas stations na muling nagbukas matapos makapag-restock nitong Huwebes, mas marami naman ang nadagdag na nagsara ngayong Biyernes.
Kaugnay ito ng nagpapatuloy na oil supply crisis na dulot ng tensyon sa Middle East. Dahil dito, nagdeklara na ng national energy emergency si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang agad matugunan ang sitwasyon.
Sa ngayon, mas pinaigting pa ng PNP, sa utos ng Department of Energy, ang pagbabantay laban sa hoarding at overpricing ng langis upang maprotektahan ang mga motorista. | BChannel News