
Kusang loob na sumuko sa Laurel Municipal Police Station sa lalawigan ng Batangas ang may gawa ng karumal-dumal na krimen na matapos na gahasain ang isang kinse anyos na dalagita at pinatay pa ito na nangyari nitong araw ng lunes NOBYEMBRE.
Kinilala ni Laurel MPS Chief of Police P/CAPT Errol Frejas ang suspek na si Jay Vee San Vicente, 19-anyos, kamag-anak umano ng biktima na si Jennifer Gamo.
Ayon sa imbestigasyon, sinamahan ng kanyang mga magulang si Vicente na nagtungo sa himpilan upang sumuko at kusang loob na magbigay ng kanyang salaysay sa ginawa nitong krimen.
Nabatid na unang ginawang testigo ng pulisya si Vicente na nagsabi na nakita niya na ang pinakahuling kasama ni Gamo ay si Rufo Salangsang na isang barangay tanod na mabilis na dinakip ng mga otoridad nitong martes (November 9).
Napag-alaman na nagpaalam ang biktima na magtutungo lamang sa kanyang kaklase upang magkasamang sagutan ang kanilang school module.
Samantala, nag-alala na ang mga magulang ng biktima kung bakit gabi na, ay hindi pa ito umuuwi dahilan upang hanapin na nila ang anak.
Natagpuan ang katawan ng biktima sa mapunong lugar sa Barangay Sta Maria na nakahubad at ang damit nito ay nakatakip sa kanyang mukha, habang ang module ay nasa kanyang tabi.
Naunang nang pinag-utos ni Philippine National Police Chief General Guillermo Lorenzo Eleazar na siyasatin mabuti ang insidente at nangako rin ito na mabibigyan ng hustisya ang pamilya ng dalagita.
Samantala dahil sa ginawang pagsuko at pag-amin ni Vicente sa krimen ay pinakawalan na ng Laurel PNP ang barangay tanod na una nilang inaresto habang dinala nila ang suspek sa Public Attorney’s Office (PAO) para doon isagawa ang Judicial Statement ni Vicente. | BNC