
Isang motorcycle rider ang nakumpiskahan ng ilegal na armas at hinihinalang shabu sa isinagawang checkpoint sa Rosario, Batangas, na naharang dahil sa hindi nakasuot ng crash helmet, Nobyembre 7.
Kinilala ng Rosario police ang rider na si Renante Miranta, 45 taong gulang, residente mula sa Calapan City ng Oriental Mindoro.
Naharang sa checkpoint sa Brgy. Quilib ang rider dakong 5:40 pm ng hapon, kung saan namataan ang hindi pagsusuot ng crash helmet na alinsunod sa Republic Act No. 10054 o ang Motorcycle Helmet Act of 2009.
Nang ipapakita ang kaniyang lisensya, napansin ng awtoridad ang isang kalibre ng .45 pistol na nakasipit sa kanang balakang ng suspek. Hindi umano nakapagpakita ng kinakailangang dokumento si Miranda bilang paliwanag sa pagkarga niya ng armas na may nakapaloob na 7 bala.
Kusa ring ibinunyag ni Miranda sa awtoridad na may dala pa siyang karagdagang limang bala at isang plastic sachet ng shabu na nakasilid sa isang pouch sa kaniyang bulsa.
Kaugnay nito, nakadetina na ang suspek at hinihintay na maihain ang kasong illegal possession of firearms ammunitions at illegal drugs, kung saan kasama ring nakumpiska ang kaniyang gamit na motorsiklo.
Rosario MPS Batangas
VIA: Delfin T. Mallari, Jr./INQUIRER.net