Muling ipinakita ng mga Cuenqueño ang pakikiisa sa Batangas Provincial Blood Council sa ginanap na Blood-letting activity sa Bayan ng Cuenca noong ika-3 ng Nobyembre 2021.
Umabot sa 301 na blood units ang nakolekta sa mga blood donors sa Municipal Gymnasium ng nasabing bayan, na isa sa mga nangungunang local government units sa Lalawigan ng Batangas sa donasyon ng dugo.
Naisagawa ang aktibidad sa pangunguna ng Pamahalaang Panlalawigan, sa pamamagitan ng Provincial Health Office, Batangas Medical Center at Philippine Red Cross Batangas Chapter, katuwang ang Pamahalaang Lokal ng Cuenca. Katulong din sa matagumpay na gawain ang Department of Health (DOH) Center for Health Development – Calabarzon, DOH Batangas Provincial Office at ABS-CBN News and Current Affairs.
Binigyang-diin naman ng PHO, sa pangunguna ni Dr. Rosvilinda Ozaeta, na layunin ng Batangas Blood Council na makahikayat pa ng mas maraming mga taong handing mag-alay ng dugo.
Napakalaga ng mga dugong naibibigay anila dahil nakapagsasalba ito ng buhay, at ganun din, nakapagdudulot ng magandang epekto ang pagbibigay ng dugo sa kalusugan ng donor.
VIA | PRESS RELEASE / Batangas Capitol PIO