fbpx

BENTE PESOS KADA KILO NG BIGAS, “HINDI PA POSIBLE” SA NGAYON, AYON KAY DEPT. OF AGRICULTURE SECRETARY WILLIAM DAR

Kung pagbabasehan ang kasalukuyang mga datos, hindi pa posible ang pagbaba ng presyo ng bigas sa bente pesos kada kilo sa ngayon, ito ang sinabi ni Department of Agriculture Secretary na si William Dar.

Ayon kay Dar, bago pa ang hidwaan sa pagitan ng Ukaine at Russia, nasa P11.50 kada kilo na ang production cost ng palay. Gayunpaman, sa pagtaas ng halaga ng pataba at gasolina, ang halaga naman ng production cost ng palay ay umabot na sa P14.80 pesos kada kilo. 

Kaya kung titignan ito, hindi pa kaya ang sinasabi ni President-elect Bongbong Marcos Jr. ang sinasabi niyang bente pesos per kilo na bigas. 

Para makamit ito, sinabi ni Dar na kailangang bawasan ang gastos sa produksyon. Gusto niyang magawa ang nais ni Marcos Jr., at iplanong maigi kung paano makamit ang bente pesos kada kilo ng bigas. 

Sa kanyang kampanya, sinabi ni president-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na sisikapin niyang ibaba ang presyo ng bigas hanggang P20 kada kilo. Kasunod ng kanyang pagkapanalo, sinabi ni Marcos Jr. na ang pagbaba sa presyo ng bigas sa humigit-kumulang P20 ay kanyang adhikain. 

Gayunman, sinabi ni Dar na ang tanging paraan na posible ay kung bibilhin ng gobyerno ang bigas sa mga magsasaka at ibebenta ito sa halagang P20 kada kilo. Aabutin nito ang gobyerno ng humigit-kumulang P123 bilyong piso. | Balisong News Team | HJTiangco

About Author