Ilang insidente ng food poisoning ang naitala sa Central Visayas noong nakaraang buwan. Ang itinuturing na salarin, ang kanilang kinain na lechon.
Ayon sa isang opisyal ng Department of Health-Central Visayas, lechon ang karaniwang dahilan kung sa hindi bababang walong food poisoning incidents na naiulat sa mga lalawigan ng Bohol, Cebu at Negros Oriental noong Mayo.
Ayon kay Dr. Eugenia Mercedes Cañal, ang Cluster Head ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit ng DOH 7, maaring magdulot ng food poisoning ang lechon kung ito’y hindi maayos na hinanda. Karamihan sa mga nabiktima ng food poisoning ay mula sa mga picnic kung saan sila nakikisalo sa lechon.
Binigyang diin ni Canal na ang paghahanda ng lechon at iba pang pagkain ay dapat ligtas sa mikrobyo na maaring magdulot ng gastrointestinal symptoms o diarrhea. Idinagdag ni Cañal na ang food poisoning ay maaaring mauwi sa dehydration kung hindi agad magamot.
Maari ring maging dahilan ng food poisoning ang kaugaliang kumain gamit ang kamay, ayon sa regional director ng DOH-7 na si Dr. Jaime Bernadas. Pinayuhan ni Bernadas ang publiko na painitin muli ang mga natirang pagkain bago ito ubusin.
Dagdag pa ni Dr. Bernadas, para mas ligtas na pagkain ng lechon, mas mabuting ito ay ihain ng tinadtad. | Balisong NEWS TEAM | HJT