Patay ang isang mangingisda habang sugatan ang kanyang mga kasamahan habang nagsasagawa ng dynamite fishing sa karagatan ng Sitio Salvacion sa Barangay Ilijan, Sto. Nino, Samar noong Martes.
Kinilala ang nasawi na si Emiliano Davila, habang sugatan sina Rolan Davila at Jorgie Davila. Pawang mga residente ng lugar ang mga mangingisda.
Sa inisyal na imbestigasyon, ang mga biktima ay nangingisda sakay ng isang de-motor na banca nang magsindi umano si Emiliano ng isang improvised explosive na tinatawag nilang “badil.”
Tumunog umano ito habang hawak pa rin niya ang pampasabog, na siyang dahilan ng kanyang pagkamatay on-the-spot. Nagtamo naman ng mga sugat sina Rolan at Jorgie Davila at dinala sa ospital.
Kinondena naman ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR ang patuloy na paggamit ng mga pampasabog, na ang mga sangkap na nito ay magdudulot ng pinsala sa kapaligiran at sa buhay ng tao. | Balisong News Team / Heinrick Jhames Tiangco