
Sinusuportahan ng mambabatas ng ACT Teachers party-list na si France Castro ang mga panawagan para sa pagrepaso sa K-12 program upang ganap na matugunan ang mga problema na nilikha ng programa.
Ayon kay Castro, muli siyang maghahain sa paparating na ika-labinsyam na Kongreso ng isang resolusyon na humihimok sa House of Representatives na magsagawa ng pagsusuri at sinasabing ito na ang oras na mapansin na ng pamahalaan ang mga pangmatagalang problema sa edukasyon, lalo na ang mga dulot ng pagpapatupad ng programa.
Hinihikayat rin ni Castro si Vice President-elect at incoming Education Secretary Sara Duterte na pakinggan ang sigaw ng publiko upang makita ang mga katotohanan at epekto ng kakulanagan sa pondo, mababang suweldo at mga kakulangan na dulot ng pagpapatupad ng pinahusay ng programa sa edukasyon.
Aniya, hindi lamang tumutukoy ang mga kakulangan sa mga pasilidad at learning materials, kung hindi pati na rin sa suporta para sa sapat na suweldo at benepisyo para sa mga guro at iba pang school staff na nakakaapekto sa kalidad ng edukasyon sa bansa. | James Tiangco