Nagbigay-pahayag si Senator Risa Hontiveros noong Lunes laban sa mga nagpapakalat ng fake news, at nagsasabing lalaban siya sa mga kasinungalingan at propaganda.
Ayon sa senadora, sa kabila ng kaniyang pagiging tagapagtaguyod sa pagprotekta sa karapatang pantao, hindi niya kukunsintihin ang pagdadala ng maling impormasyon. Babala ni Hontiveros sa mga kahina-hinalang karakter sa tinatawag niyang “fake news universe”, hindi niya hahayaan ang walang ingat na pagsasa-walang bahala sa katotohanan na muling sirain ang demokrasya.
Bilang bahagi ng Senado, nangako rin si Hontiveros na susuportahan at bigyan ng kapangyarihan ang mamamayang Pilipino habang naghahanda siyang magsumite ng ilan sa kanyang mga panukalang batas para sa pagsasaalang-alang sa ika-labinsiyam na Kongreso.
Aniya ng bagong-halal na senadora, tutulungan niyang pasiglahin ang paglago ng ekonomiya at ibalik ang mga serbisyo pangkalusugan na nagambala nang dahil sa pandemya.
Gaya ng kaniyang ipinangako, papadaliin nila at patataasin ang mga budget para sa mga ahensyang mahalaga sa kanilang hakbangin upang makabangon. Ipaglalaban rin ni Hontiveros ang pagtaas ng badyet para sa agrikultura. Handa rin umano ang kanyang opisina sa mga diskusyon patungkol sa krisis sa pagkain.
Sa papasok na bagong administrasyon, hinimok din ni Hontiveros ang mga kapwa niya bagong halal na opisyal na magkaisa sa pagtitiyak ng kapakanan ng mamamayang Pilipino. | via Heinrick James Tiangco