fbpx

PAGMAMASTURBATE, MALAKING TULONG SA IMMUNE SYSTEM NG KABABAIHAN

Sa isang bansang hinubog ng konserbatibong pagtanaw pagdating sa usaping sexual at reproductive health, nanatiling negatibo at pinangingilagan ang usapin ng masturbation higit lalo na ng kababaihan.   Subalit ayon sa mga eksperto, ang pagsasarili ay hindi dapat ikahiyang gawin dahil bukod sa naibibigay nitong pleasure ay mahalagang bahagi ito ng sexual health ng bawat isa. Bukod dito ay may maganda rin itong dulot sa mental at pisikal na kalusugan ng mga kababaihan.

Ayon sa isang artikulo ng Insider na dumaan sa pagsusuri ng American OB gynecologist at book author ng kalusugang pangkababaihan na si Dr. Sherry Ross, ang pagsasarili ng mga babae na nagreresulta sa orgasm ay nakatutulong upang maglabas ang katawan ng hormones gaya ng oxytocin at serotonin na lubos na nagpapababa ng stress level at pagsakit ng ulo. Maganda rin ang sekswal na aktibidad na ito upang maging maayos at mabilis ang pagdaloy ng dugo sa ari ng mga babae na nakatutulong para maglabas ang katawan ng endorphin at maiwasan ang labis na pagsakit ng puson o dysmenorrhea. Ayon naman sa Forbes, sa pamamagitan ng orgasm ay bumibilis ang tibok ng ating puso na maganda para sa ating heart health.

Nakapagbibigay din ito ng relaxation at nakatutulong upang magkaroon ng maayos na tulog. Ayon pa sa eksperto, ang regular na pagmamasturbate ay nakatutulong upang maging maayos ang sexual life ng mga mag-asawa. Napapataas nito ang tyansang makaranas ng orgasm ang mga babae habang nakikipagtalik sa kanilang partner. Ayon kasi sa pag-aaral ng International Journal of Impotence Research noong 2014, 35% ng mga babaeng nakaranas ng orgasm habang nakikipagtalik ay nagsasarili kumpara sa 9% na hindi. 

Kaya naman panahon na para tibagin ang mga konserbatibong pananaw ukol sa sexual health. Nararapat na maging bukas ang ating pang-unawa sa mga bagay na tulad nito dahil ito’y parte ng ating pagkilala sa ating sarili at sa kung paanong gumagana ang ating reproductive organ kapag ginagamit hindi lamang sa pakikipagtalik. –ANANEA JUVIGAIL OCFEMIA

About Author