fbpx

BALAT NG SANTOL, PWEDE RIN PALANG ULAMIN?

Hindi maikakaila ang labis na pagkahumaling ng mga Pilipino sa mga ulam na ginataan, kaya naman hindi na nakapagtataka na pati ang makapal at mapait na bahagi ng balat ng santol na kadalasan ay itinatapon ng marami ay pwede rin palang gawing ginataang ulam. Ito nga ay ang tinatawag na Sinantolan, nagmula sa Timog Luzon, partikular sa probinsya ng Laguna at Quezon. 

Ang Sinantolan ay kinayod na bahagi ng balat ng santol na ibinababad sa tubig na may asin para maiwasan ang pag-iiba ng kulay nito. Kasama ang gata, sa pagluluto nito ay sabay na sinasahugan ng bawang, sibuyas, paminta, siling haba at bagoong alamang para magkalasa at maging malinamnam. Opsiyonal naman kung nais dagdagan ng hipon.  Samantala, niluluto ang Sinantolan hanggang lumabas ang natural na mantika na magmumula sa gata ng niyog. 

Swak na swak ang ulam na ito para sa mga nagtitipid, dahil sa mahigit-kumulang P100– kung walang hipon, ay makagagawa na ng 400-500 ml o isang garapong Sinantolan. Sa pamamagitan ng online selling sa Facebook ay maaari na rin itong gawing negosyo ng mga taong nasa bahay lang at naghahanap ng pwedeng pagkakitaan. 

Kaya naman huwag nang mag-atubiling subukan ang Sinantolan, dahil sa taas ng bilihin ngayon ay garantisadong hindi mabubutas ang bulsa mo sa masarap ngunit abot-kayang lutuing ito. via | ANANEA JUVIGAIL OCFEMIA

About Author