
Matagumpay na naiuwi ni Filipino pole vault sensation Ernest John “EJ” Obiena ang gintong medalya sa Jump and Fly Tournament kahapon, Linggo, July 3 (PH Time) sa Heichengen, Germany.
Ang naturang panalo ni Obiena ang naghatid sa ika-anim na ginto ng ating pambato ngayong 2022. Naging bounce back performance ito ni Obiena makaraang masadsad sa ika-anim pwesto sa Stockholm Diamond League noong June 30.
Sa pangatlo at panghuling attempt ay malinis na 5.80 meters ang nilundag ni Obiena upang mapanatili ang korona sa nasabing torneyo.
Sinubukan rin ng 26-anyos na binata na burahin ang kaniyang Asian record (5.93 meters) subalit nabigo itong linisin ang 5.94 mark sa Taby Pole Vault Gala sa Stockholm, Sweden nitong nakaraang linggo.
Ilan sa mga torneyo na dadaluhan ng ating pole vault star ngayong taon ay ang 31st Southeast Asian Games sa Vietnam, European City of Sports sa Italy, Orlen Cup at Orlen Copernicus sa Poland; at 2022 World Athletics Championships sa Eugene, Oregon na gaganapin sa July 15-24. | via JAIRO NIL A. PAGTALUNAN