Kadalasang tinatapon na lamang ang balat ng itlog matapos magluto o kung hindi naman, ito ay ginagamit bilang disenyo at fertilizer ng mga halaman. Ngunit ang basura na itinuturing ng marami ay may malaking benepisyo pala sa ating kalusugan.
Maraming sustansya ang matatagpuan sa itlog ngunit lingid sa kaalaman ng marami, may sustansya ring matatagpuan sa balat nito. Ayon sa mga eksperto sa University of Florida’s Institute of Food and Agricultural Sciences, ang isang buong balat ng itlog ay naglalaman ng humigit-kumulang 2.2 gramo ng calcium. Makatutulong ito sa pagpapatibay ng ating mga buto at ngipin, mabuti rin ito para sa muscles, at maayos na pagdaloy ng dugo sa puso at ugat.
Ayon sa US National Institutes of Health, ang mga nasa pagitan ng edad 19 at 50 ay dapat kumonsumo ng 1 gramo ng calcium araw-araw. Kaya naman, makabubuti ang pagkain ng balat ng itlog dahil higit pa ito sa inirerekomendang dosis ng calcium. Ang pinakamabisang paraan ng pagkonsumo nito ay ang pagdurog nito upang maging powder. Maaari itong ihalo sa iba’t ibang pagkain gaya ng spaghetti, tinapay, pizza, at marami pang iba.
Subalit dapat maging maingat sa pagkonsumo nito. Siguraduhin na ito ay malinis, pinakuluan, at luto bago kainin. Dahil baka imbes na makapagbigay ito ng benepisyo sa ating kalusugan ay magdulot pa ng sakit gaya ng salmonella. | INTERN DANNAH PAULINE C. REYES