Isang 34-anyos na lalaki ang sugatan makaraang mabaril ng mga pulis nang habulin ito dahil sa pagnanakaw ng itlog sa Lemery, Batangas kamakailan.
Kinilala ang suspek na si Jake Cusipag, residente ng Barangay Lumbang Calaca, Batangas.
Sa ulat ng pulisya, nagresponde ang mga pulis matapos magreklamo ang isang negosyante dahil sa pagnanakaw ng isang lalaki ng 20 tray ng itlog sa kanilang poultry farm.
Napasugod ang mga pulis sa palengke ng Lemery nang malaman na ibinebenta ng suspek ang mga itlog sa mababang halaga.
Tumakbo agad ang suspek patungo sa isang eskinita at nagbunot pa ng baril na nagresulta sa habulan.
Nang maabutan ang suspek, umakayat ito sa bubong habang may hawak na baril at pinaputukan ang mga pulis kaya napilitan na itong barilin ng mga awtoridad at tinamaan ito sa kaliwang paa.
Isinugod ito sa ospital at narekober dito ang isang baril.
Nahaharap ngayon ang suspek sa patong-patong na kaso.