Karamihan sa atin ay naliligo sa gabi upang maging presko ang pakiramdam. Iyon nga lang, maaaring antukin na tayo at hindi na mapatuyo nang lubos ang ating buhok. Matutukso tayong matulog na ngunit bigla tayong paaalalahanan ni nanay o ni lola na huwag matutulog nang basa ang buhok at baka sipunin tayo. Dapat ba nating sundin ang payo nila? Masama bang matulog nang basa ang buhok?

Hindi totoong sisipunin tayo kapag natulog nang basa ang buhok. Ayon kay Dr. Chirag Shah, MD, isang board-certified emergency physician at cofounder ng Push Health, isang online healthcare platform, magkakasipon lang tayo kapag na-infect tayo ng virus.
Ang totoo ay maaari tayong magkaroon ng fungal infection sa anit kapag natulog tayo nang basa ang buhok. Kaya’t inirerekomenda ni Dr. Shah na patuyuin muna ang buhok bago matulog dahil ang fungi gaya ng Malassezia ay nauuwi sa dandruff o dermatitis.
Bukod dito, ang dandruff ay kombinasyon ng pagdami ng bacteria at kawalan ng natural oil sa anit.
Ang pagtulog nang basa ang buhok ay nagpapalala ng asthma at nagpapababa rin ang immune system ng isang tao. Natuklasan ito sa isang pag-aaral tungkol sa fungal flora na natagpuan sa higaan kung saan 4-16 species tulad ng Aspergillus fumigatus ang nakita sa bawat unan na sinuri.
Samantala, nagbubunga rin ito ng hair breakage o pagkasira ng buhok dahilan ng paglilikot natin habang natutulog. Pinakamahina kasi ang ating buhok kapag basa ito.

Maaaring maging sanhi rin ng pagkalagas ng buhok ang pagtulog nang basa ito. Ang malala pa nito ay ang pagkakaroon ng scalp ringworm, isang fungal infection na dahilan ng mainit at mamasa-masang kondisyon.
At kung nagtataka ka kung bakit ka nagkakatigyawat, maaaring mula ito sa dumaraming bacteria sa iyong unan na resulta ng paghiga mo rito nang basa ang iyong buhok.
Kung hindi talaga maiiwasang matulog nang basa ang buhok, narito ang mga pwedeng gawin. Payo ni Dr.Adarsh Vijay Mudgil, MD, New York City dermatologist na board-certified sa dermatology at dermatopathology, ilugay na lamang ang buhok at huwag iiwanang naka-braid o nakapusod dahil nagdadagdag ito ng tensyon sa buhok.
Maaari kang magpahid ng langis ng niyog sa iyong buhok dahil pinoprotektahan nito ang buhok sa pagkasira. Epektibo rin ang pag-a-apply ng conditioner sa buhok at paggamit ng silk na punda dahil nababawasan nito ang friction sa buhok.
At panghuli at higit sa lahat, sikaping agahan ang pagligo sa gabi para mapatuyo mo agad ang iyong buhok bago ka matulog.

Maraming negatibong epekto ang pagtulog nang basa ang buhok.
Sa susunod na pagsabihan ka ng iyong nanay o lola kahit na mali ang tinuturo nilang resulta, mainam na sumunod ka na lamang dahil para sa ikabubuti naman ng iyong kalusugan ang kanilang paalala. | KRIZELLE ZALAMEA intern