Agad na umaksyon ang Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA, laban sa ilegal na droga sa dalawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Angeles City, Pampanga, kung saan nakumpiska nila ang mahigit sa P754 milyong halaga ng shabu at naaresto ang apat na suspek, isa sa kanila ay namatay matapos madakip.
Ayon sa pahayag ng PDEA, nakapagkumpiska sila ng 111 kilo ng shabu at naaresto ang apat na suspek, kabilang ang dalawang Tsino.
Sa unang operasyon, naaresto ng mga ahente ng PDEA sina Willy Tan Zhang, 51, at Reziel Barelos, 30, sa isang townhouse sa Barangay Pampang bandang alas 10 ng umaga noong Pebrero 19. Nakumpiska nila rito ang 81 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P550.8 milyon.
Ngunit nasawi si Zhang matapos mag-collapse pagkatapos ng kanyang pag-aresto. Hindi naman nabanggit kung nagwala o nagpakita ng karahasan si Zhang nang pumasok ang mga ahente.
Sa pangalawang operasyon naman, naaresto ng mga otoridad ang isang Tsino at kanyang kasabwat na Pinoy sa buy-bust operation sa Poinsettia Avenue, Barangay Pampang, kung saan nakumpiska nila ang 30 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P204,000.
Bukod sa shabu, nakumpiska rin ng mga ahente ang mga cellphone, gray Toyota Avanza, buy-bust money, at iba’t ibang identification cards nina Yi Xin Li, 49, at Mark June Barsaga, 23.
Mahaharap naman ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act 2002. | via JL.Reglos intern