Arestado ang limang indibidwal sa magkakahiwalay na buy-bust operations ng mga operatiba ng Batangas Police Provincial Office, ayon sa ulat ng mga otoridad nitong Sabado ng umaga.
Unang naaresto ang suspek na si alyas “Tyago”, 45 anyos sa Tanauan City, dakong alas-4:30 ng hapon nitong Biyernes. Nakuha sa kanya ang nasa 0.14 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P966.00 at P500.00 na marked money.
Sa Batangas City, naaresto ang suspek na si alyas “Walog”, 25-anyos, dakong alas-9:42 ng gabi. Nakuha sa kanya ang nasa 0.22 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P1,518.00 at P500.00 na marked money. Naaresto rin ang suspek na si alyas “Buaya”, 40-anyos, dakong alas 2:35 kaninang umaga, at nakuha mula sa kanya ang nasa 0.10 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P690.00 at P500.00 na marked money.
Samantala sa Sto Tomas City, nahuli rin ang suspek na sina alyas “Jerwin”, 21 anyos at alyas Ronnie, 23 anyos, pawang mga taga Calamba City, Laguna, kaninang 1:55 ng umaga. Nasamsam mula sa mga ito ang nasa 1.5 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P12,500.00 at buybust money na P500.00.
Sa ngayon nasa kustodiya na ang mga naturang suspek at mahaharap sa kasong Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | Batangas PPO / JMP