Tatlong katao ang sugatan matapos mawalan ng preno ang isang SUV at sumalpok sa isang tricycle at isang pickup truck sa Brgy. Poblacion II, Sta. Teresita, Batangas bandang 11:20 ng umaga nitong Miyerkules Mayo 31, 2023.
Batay sa imbestigasyon ng Sta. Teresita Municipal Police Station, naka-park umano ang nasabing tricycle na minamaneho ni Nino Dominic Sarmiento, 34-anyos kasama ang kanyang pasaherong si Nicolas Sarmiento, 52-anyos, at isang pickup truck na minamaneho naman ni Angel Dayanan Jr., 52-anyos sa harap ng isang establisyimento.
Habang binabaybay ni Regie Cabrera, driver ng SUV ang nasabing lugar, nawalan ito ng kontrol kaya bumulusok ang minamanehong sasakyan sa kanang bahagi ng daan at nabangga ang isang residente na kinilala na si Judy Euraoba, 52-anyos, isang construction worker.
Dahil sa mabilis na takbo ng SUV, nabangga din nito ang tricycle pati na rin ang unahang bahagi ng pickup truck.
Nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang parte ng katawan sina Euraoba, Sarmiento at ang kanyang pasahero.
Agad namnam nilapatan ng lunas ang mga nasabing biktima sa Hospital habang sina Cabrera at Dayanan ay dinala sa Batangas Provincial Hospital, Lemery Batangas para sa medical treatment.
Samantala, bukas naman ang lahat ng sangkot sa insidente para sa amicable settlement. | J. Amistoso, BChannel News intern