fbpx

RIDER, PATAY SA BANGGAAN SA LIPA CITY, BATANGAS

Patay ang isang rider matapos magbanggan ang isang motorsiklo at pick-up truck sa Brgy. Antipolo Del Norte, Lipa City, Batangas nitong Linggo ng gabi.

Kinilala ang rider na si Roy Pesigan, 24-anyos, residente ng Brgy. Tangway, Lipa City, Batangas habang si Juanito Maturan, 52-anyos, residente ng Brgy. San Isidro, Rosario, Batangas ang driver ng nasabing pick-up truck.

Batay sa imbestigasyon ng Lipa City Police Station, bandang 10:52 ng gabi nang binabaybay ng dalawang sasakyan ang Lipa-Tiaong Road kung saan patungo si Pesigan sa direksyon ng Padre Garcia, Batangas habang si Maturan naman ay patungo sa Lipa City Proper.

Nasabing nag-overtake umano si Maturan sa kaliwa at sinakop ang katapat na lane ngunit ang harap na bahagi ng motor ay tumama sa kaliwang harap ng pick-up truck.

Dahil sa lakas ng impak, tumilapon ang driver ng motor at nahulog sa kalsada.

Nagtamo ng ilang sugat sa ulo at iba pang bahagi ng katawan ang rider at dinala sa Lipa City District Hospital ngunit ideneklarang dead-on-arrival na ito.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga pulisya sa aksidente. | J.M. Amistoso, BChannel News intern

About Author