Sugatan ang limang emergency responders habang isa ang nasawi matapos salpukin ang ambulansiya ng isang kotse na minamaneho ng lango sa alak na pulis sa Sultan Kudarat.
Ayon sa report ng awtoridad, sabay na rumesponde ang ambulansya at ang Regional Mobile Force Battalion sa lugar dahil sa motoristang naaksidente din sa lugar.
Habang rumeresponde naman ang mga awtoridad ay dumating ang humaharurot na kotse na minamaneho ni Police Corporal Joey Torres at binangga ang ambulansiya na nakaparada sa gilid ng kalsada.
Sa tindi ng salpok ng kotse, nagtamo ng sugat ang mga biktima at isinugod sa ospital subalit binawian naman ng buhay ang isang pulis na si Patrolman Jose Salvador dahil sa mga tinamong pinsala sa katawan.