Patay ang isang lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong motor sa isang trailer truck bandang alas-5:13 ng umaga noong Agosto, 30 sa Bypass Road ng Brgy. Palsahingin, San Pascual, Batangas.
Sa panayam ng Balisong Channel News Team sa San Pascual MPS, kinilala ang biktimang lalaki na si Marlo Garcia, 42 -anyos, residente ng Brgy., Sta. Elena San Pascual, Batangas, samantalang hindi pa natutukoy ang driver ng truck sa nangyaring insidente.
Ayon sa inisyal na imbestigasyon at base sa kuha ng CCTV ng Brgy. Palsahingin mabilis umano ang andar ng biktima sa intersection nang aksidente itong mapabangga sa likod ng trailer truck na binabaybay ang daan papuntang Bauan, Batangas.
Dahil dito nahulog ang biktima sa minamanehong motor at nagtamo ito ng iba’t-ibang pinsala sa katawan na agad namang dinala sa ospital ngunit idineklara rin itong dead on arrival.
Kasalukuyan pa nga ang imbestigasyon para sa pagkakakilanlan ng suspek, samantalang ang motor naman ng biktima na nagkaroon ng pinsala ay nasa kustodiya na ng San Pascual MPS para sa proper disposition. | J. Atienza, BChannel News