Patay ang dalawang Korean national habang kritikal sa ospital ang isa pa nang matagpuan sa loob ng sauna room ng isang beach resort sa Barangay Mainit, Mabini, Batangas, noong Huwebes.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawing biktima na sina Sun Tae Kim, sisentay siyete, Yun Seok Seo, sisentay tres, habang nasa ospital pa si Hak Neung Kim, 59.
Ayon sa Mabini Police, nagpunta sa sauna room ng resort ang tatlong biktima na nasa impluwensya umano ng alak.
Subalit makalipas ang dalawang oras, nang suriin sila ng mga attendant, natagpuan na ang tatlo na walang malay at nakahandusay sa sahig.
Naisugod pa sa Hospital ang mga biktima subalit idineklarang dead on arrival sina Sun at Yun kung saan suffocation ang naging sanhi ng kanilang pagkasawi.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente habang isasailalim sa autopsy ang labi ng dalawa.