Dead on the spot ang isang construction worker matapos na mahati ang katawan nito sa dalawa nang aksidenteng tamaan at mahampas umano ng ‘backhoe’ sa Sitio Aplaya, Barangay Natipuan, Nasugbu, Batangas nitong Biyernes ng umaga Disyembre 8, 2023.
Kinilala ng Nasugbu Police Station ang biktima na si Ricardo Domanais, na kasalukuyang naninirahan sa naturang lugar, habang ang suspek ay si alias Marjun mula sa Montalban, Rizal.
Sa panayam ng BalisongNewsTeam kay Nasubgu PCpl. Geron L Ricafuente, habang inaayos umano ng suspek ang nakatambak na lupa gamit ang backhoe ay hindi nito napansin ang biktima sa gilid.
Sa tindi ng pagkakahampas ng backhoe sa katawan ng biktima ay nahati pa ang katawan nito sa dalawa na agad nitong ikinamatay.
Dinala na ang bangkay ng biktima sa punerarya para sa ‘post mortem examination’
Sa ngayon, nasa kustodiya ang driver ng backhoe na mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting to Homicide.
Kasalukuyang iniimbestigahan pa rin ng Nasugbu MPS ang naturang insidente.