fbpx

Rider, patay matapos magulungan at makaladkad ng dump truck sa Lipa City Batangas

Nasawi ang isang 21-anyos na rider matapos itong makaladkad at masagasaan ng dump truck sa crossing ng national highway sa Brgy. Inosluban, Lipa City, Batangas noong Lunes dakong alas 8:00 ng umaga.

Kinilala ng Lipa CPS, ang biktima na si Rubeck Naval, residente ng Brgy. Sabang, Lipa City habang ang driver ng truck ay si Joel Reyes, 40-anyos.

Ayon sa report ng Lipa CPS at sa kuha ng dash cam ni Ronnie Perez, habang nasa bandang kanang unahan ng truck ang biktima at naghihintay na makatawid sa crossing, nang mahagip ito ng unahang gulong ng truck na liliko naman pakanan sa diversion road.

Nawalan umano ng balanse ang biktima sa kanyang motor hanggang sa masagasaan ng dump truck at makaladkad sa 20 metro ang layo.

Tumigil na lang ang truck driver nang ituro at sigawan ito ng mga saksi na may nakaladkad siyang rider.

Naisugod pa ang biktima subalit binawian din ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang aksidente.

About Author