Tumaas ang unemployment rate ng bansa sa buwan ng Enero ngayong taon, ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa isang press conference, nitong umaga ng Biyernes.
Ayon kay National Statistician and PSA chief Claire Dennis Mapa, nasa 4.5 porsyento o 2.15 milyon ang bilang ng mga walang trabaho na may edad 15 pataas noong Enero 2024, mas mataas kumpara sa 3.1 porsyento o 1.6 milyon noong Disyembre 2023.
Bukod dito, umakyat din ng mahigit 13.9 % ang rate ng underemployment sa bansa, mataas din kung ikukumpara sa 11.9 % noong Disyembre 2023.
“In terms of magnitude, about 6.39 million of the 45.94 million employed individuals expressed the desire to have additional hours of work in their present job or to have additional job, or to have a new job with longer hours of work in January 2024,” dagdag pa ni Mapa.
Alinsunod sa Article 83 ng Labor Code, ang normal na oras ng trabaho ng manggagawa o empleyado ay dapat hindi lumampas sa walong (8) oras bawat araw o 40 oras kada linggo.
Gayunpaman, dumarami pa rin ang nag-o-overtime. Sa kabuuan, nasa mahigit 42.1 oras na trabaho kada linggo ang “average weekly hours” nitong Enero, ayon pa rin sa PSA.
Tumataas ang underemployment o mga empleyado na nag-o-overtime sa tuwing tumataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin o sa tuwing hindi sapat ang kita sa trabaho.
Matatandaan na sa pinakahuling ulat ng Philippine Statistic Authority (PSA) nitong Martes, Marso 5, umabot na sa 3.1% ang average inflation ng bansa, mula Enero hanggang Pebrero, na posibleng nakakaapekto sa mga trabaho ng manggagawa o empleyado. | J.A Idanan, B. Channel Intern