Matagumpay na nakamit ng mga mag-aaral ng BS Sanitary Engineering o Team AdventURINE mula sa Batangas State University (BatStateU) – The National Engineering University Alangilan Campus ang ikatlong pwesto laban sa higit na 2,500 na mag-aaral mula sa higit 35 bansa na nakilahok sa World Engineering Day (WED) Hackathon sa Lisbon, Portugal nitong Lunes, Marso 4, 2024.
Ang Team AdventURINE ay binubuo nina Nathaniel M. Regodon, Jose Luis A. Valencia at Maureen H. Fadullo, aat kanilang tagapagturo, si Dr. Mark Sibag.
Sa kabila ng matinding kompetisyon mula sa iba’t ibang grupo, ang kanilang proyekto na may pamagat na “Green Sustainable Phyto-fence Assembled using Cured Source-collected Urine for Urban Environmental Balance” ay nagpakita ng kahusayan at talento ng mga mag-aaral sa paglikha ng mga solusyon para sa mga hamon sa kalikasan.
Sa tema ng Climate Action, pinatutunayan ng tagumpay ng Team AdventURINE na ang mga estudyanteng inhinyero ay may malaking ambag sa pandaigdigang pangangalaga sa kalikasan at pagpapalaganap ng mga solusyon na tumutugon sa mga hamon ng kasalukuyang panahon.
Nakatanggap ng €1,000 o katumbas na higit P60,000 ang Team AdventURINE bilang premyo sa pagkapanalo, kinikilala ang kanilang mabisang gawain sa pagpapalakas ng mga sustainable na solusyon para sa isang mas magandang mundo.
Ang WED Hackathon ay binuo ng World Federation of Engineering Organizations (WFEO), sa pakikipagtulungan sa UNESCO at Engineers Without Borders International (EWB-I), na sinusuportahan ng The Big Creative.
Itinanghal naman na 1st place ang Team Somiant mula sa Yachay Tech University of Ecuador. Ang Team EcoCool, na binubuo ng mga iskolar mula sa Hong Kong University of Science and Technology, University of Illinois Urbana-Champaign, Tokyo Institute of Technology, at Rice University (US), ay nakakuha ng ikalawang pwesto.
Ang kanilang tagumpay ay isang patunay na ang kahusayan at pagtutulungan ay mahalaga sa pagharap sa mga hamon ng klima at pangangalaga sa kalikasan.