fbpx

Mga patay na pusa sa isang cat pound, kinakain ng kapwa pusa matapos umanong ‘di pakainin sa Cavite

Viral ngayon sa social media ang isang video na ibinahagi ni Yvette May, kung saan makikita ang mga pusang patay na kinakain ng kapwa nila pusa sa isang pound sa Barangay San Jose, Dasmariñas, Cavite.

Ayon kay Yvette na may kuha ng video,  ang nadatnan niyang kalunos-lunos na sinapit ng mga pusa ay sanhi umano ng matinding gutom.

Mapapanood rin sa naturang video na tila hinang-hina na ang ilang pusa at puno pa ng dumi ang kanilang tubigan.

Hindi naman makapaniwala ang uploader sapagkat nagpadala pa ito ng 3 sakong cat food, tatlong linggo bago nakita ang pangyayari.

Agad namang nakipag-ugnayan ang nasabing citizen sa Kapitan ng Brgy. San Jose at mga Konsehal upang ipahinto muna ang panghuhuli ng mga stray cats dahil sa kapabayaan ng nasabing pound.

Samantala, nitong Lunes, matapos mag-trending ang video ay pinakawalan umano ang mga pusa sa pound at nilinis rin ang kulungan nito.

Nangako naman ang Kapitan na huhulihin naman uli ang mga pusa at ibibigay ‘for adoption’.

Kasalukuyan naman na tumutulong ang Biyaya Animal Care sa paghahanap sa mga pinakawalang pusa para marescue at maipagamot.

Ito ay matapos mapagalaman na nag positibo sa FIP and FIV virus ang isa sa mga pusa.

Dagdag pa ni Yvette, maaring nagkahawaan na umano ang mga pusa sa kulungan.

Ayon naman sa Philippine Animal Welfare Society, sakaling mapatunayang nakaranas ng pang-aabuso ang mga pusa, maaari umanong managot ang barangay officials dahil sa paglabag sa Animal Welfare Act.

Sa ngayon, nagsasagawa ng imbestigasyon ang City Veterinary Office ng Dasmariñas ukol sa naturang viral video. | D.B. Rupan | BChannel News Team

About Author