Nasawi ang isang 33-anyos na lalaki na sakay ng motorsiklo matapos bumangga sa isang wing van truck sa Brgy. Poblacion, San Pascual, Batangas noong Huwebes.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng San Pascual MPS, bandang alas singko ng umaga, habang binabaybay ng 43-anyos na driver ng truck ang naturang daan, biglang tinamaan ito sa harap ng kaliwang bahagi ng isang motorsiklo na minamaneho ng 33-anyos na lalaki, na papunta sana sa kabilang direksyon subalit sumakop ito sa lane kung saan dumadaan ang truck.
Dahil dito, napinsala ang wing van truck habang halos masira naman ang motor.
Bukod dito, nagtamo rin ng mga sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang parehong drayber, subalit agad na binawian ng buhay ang drayber ng motorsiklo matapos ang insidente.
Sa ngayon, nasa pagamutan ang drayber ng truck habang nasa punerarya na ang labi ng rider.
Ang kaso ay patuloy pa rin iniimbestigahan ng mga awtoridad. | J.A Idanan, B.Channel News Team