Nasungkit ng isang working student na Batangueña na si PCDT Ma. Camille Cabasis ang Top 1 sa Philippine National Police Academy Layag-Diwa Class 2024.
Si Cabasis ay mula sa bayan ng Lian, Batangas, at nakapagtapos ng kursong Bachelor of Science in Criminology sa Batangas State University (BSU).
Ayon pa kay Cabasis, simula pa elementarya hanggang kolehiyo ay isa na siyang academic achiever kung saan nagtapos siya na cum laude sa BSU.
Bukod dito, naikwento niya na dati siyang part-time student worker sa isang photocopier center at naranasan niya rin ang magtinda ng siopao sa kanilang paaralan para pandagdag sa mga gastusin sa eskwelahan, lalo na noong nagtthesis siya.
Ayon pa kay Cabasis, bago siya nakapasok sa Philippine National Police Academy, isa sa mga pundasyon na nakatulong sa kanya ay ang pagiging advance ROTC officer at dating core commander nung nasa unibersidad pa siya.
Sa kaniyang pagtatapos, tatanggap din siya ng special academic award na best in laws and jurisprudence, best in police administration, at PNP Kampilan Academic awards.
Samantala, kabilang siya sa 233 cadets na magsisipagtapos sa PNPA Layag- Diwa Class 2024 na gaganapin sa Camp Castañeda, Silang, Cavite sa ika-19 ng Abril, ngayong taon | J.A Idanan, B. Channel News