fbpx

Dating lumubog na bayan ng Pantabangan, muling lumitaw sa Nueva Ecija 

Ikinamangha ng mga netizens ang mga larawan ng isang underwater town na tila’y muling nasilayan at lumitaw sa bayan ng Pantabangan sa Nueva Ecija matapos bumaba ang antas ng tubig sa dam.

Sa ibinahaging larawan sa Facebook ng isang lokal sa Nueva Ecija na si Karen Nuñez, makikita sa dam ang mga lumilitaw na sirang simbahan at entablado na kilala rin bilang Norma’s Auditorium, at lumang sementeryo, pati na rin ang dating bantayog ni Rizal at iba pa.

Ayon sa mga lokal, ito ang makasaysayang bayan ng Pantabangan sa Nueva Ecija na nilisan ng mga mamayan noong 1970s dahil naging bahagi ito ng development project na dam ni dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Mahigit 3,000 pamilya ang lumikas mula sa kanilang mga tahanan upang bigyang daan ang pagtatayo ng proyektong dam.

Ang mga residente ay tumakas sa mas mataas na lugar, iniwan ang kanilang ari-arian at mga tahanan, kabilang ang isang lumang simbahan ng mga Augustinian missionaries na dating tinatawag na old St. Andrew the Apostle Parish Church na itinayo pa noong 1825 sa panahon ng mga Kastila sa Pilipinas.

Ayon sa National Irrigation Administration o NIA, ang Pantabangan Dam, isa sa mga may pinakamalaking dam sa Timog-Silangang Asya, nagbibigay ng tubig sa humigit kumulang na 250,000 magsasaka sa lalawigan ng Nueva Ecija lamang.

Magugunita rin na nagkwento ang dating alkalde ng bayan ng relocated Pantabangan na si Roberto Agdipa na lumaki siyang naririnig ang kuwento ng lumang bayan ng Pantabangan bilang ‘the living sacrifice.’

“It will always be a reminder of how people sacrificed the certainties of their lives for the greater good,” sabi pa niya.

Mula nang maging bahagi ang lugar ng dam noong 1974, bihirang itong mabanaagan sa lugar maliban lamang kung bumababa ang antas ng tubig mula sa dam dulot ng El Niño.

Nagsimulang lumitaw ang lumang bayan noong 1984, 2015, 2020, at ngayong taon. | J.A Idanan, B.Channel News | 📸 Renren Gala vlogs

About Author