fbpx

Isang Batangueña, Mayor sa Daly City, California, USA

Kasalukuyang pinamumunuan ng isang Batangueña na si Mayor Juslyn Manalo ang City of Daly sa California, Estados Unidos.

Si Manalo ang unang Filipina-American na mayor ng Daly City na pinili ng Daly City Council Board na pumalit sa dating Mayor na si Glenn Sylvester.

Ayon sa kuwento ni Manalo, pinalaki siya sa Daly City mula nang siya ay walong taong gulang pa lamang at ang kaniyang mga magulang ay galing sa lalawigan ng Batangas at Laguna.

Bukod dito, bago pa man siya naging Mayor sa kanilang syudad, siya ay naglingkod muna bilang isang community service worker sa mga beteranong Pilipino ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Si Manalo rin ang nagsulong ng Bill Sorro Housing Program (BiSHoP), isang programa na tumulong sa mga pamilyang may mababang hanggang katamtamang kita upang mabigyan ng hanapbuhay, maipagtanggol ang kanilang sarili, at mapanatili ang kanilang tahanan. 

Dagdag pa rito, siya rin ay itinalagang Personnel Board Commissioner para sa lungsod ng Daly at dating chairwoman ng SamTrans Citizen Advisory Committee na kumakatawan at nagsilbing boses ng lokal na komunidad.

Si Manalo rin ay kasapi ng Senior & Disability Action, isang organisasyon na lumalaban sa karapatan ng mga nakatatanda at mga taong may kapansanan para sa hustisyang panlipunan. | J.A. Idanan, B.Channel News

About Author